Kahit close na sa isa’t isa, may bago pa rin daw nadiskubre ang aktor na si Jeff Moses kay Jillian Ward na katambal niya sa hit afternoon series na "Abot Kamay Na Pangarap."

Sa Kapuso Showbiz News, ibinahagi ng Sparkle actor na hindi lang maganda at professional si Jillian, kundi generous din.

“Sobrang gaan po katrabaho ni Ms. Jillian Ward. Sobrang generous niya po pagdating sa set. Kahit wala sa kaniya ‘yung camera, tinulungan niya ako on set na mag-throw lines pa rin siya, mag-give ng reaction whenever sa akin nakatutok yung camera,” ani Jeff.

“Sobrang thankful ako at sobrang laki ng respeto ko po kay Ms. Jillian Ward,” dagdag pa niya.

Ginagampanan ni Jeff ang role ni "Reagan,”,isang custodian sa ospital na pinagtrabahuhan ni "Analyn,” karakter ni Jillian na isang genius young doctor.
Si Reagan ang nagsilbing support system ni Analyn sa ospital.

Ayon kay Jeff, dapat abangan kung ano pa ang mangyayari sa ospital at sa samahan nina Reagan at Doc Analyn.

“Maraming salamat po sa suporta and maraming salamat na na-recognize niyo ako at yung tambalan namin ni Ms Jillian Ward,” ani Jeff.--FRJ, GMA News