Masayang ikinuwento ni Marc Pingris ang naging karanasan niya noong nililigawan pa lang ang kaniyang asawa na si Danica Sotto. Ayon kay Marc, mas matanong at parang pulis si Dina Bonnevie kaysa kay Vic Sotto.

Sa "Surprise Guest with Pia Arcangel," sinabi ni Marc na matagal silang naging magkaibigan ni Danica bago niya ito niligawan ng anim na buwan.

"Old school talaga akong manligaw sa kaniya na, 'Sabihin mo sa daddy mo baka puwede kitang puntahan sa taping niyo.' 'No need,' sabi niya," kuwento ni Marc.

Ngunit kalaunan, napapayag din si Danica at ipinakilala nito si Marc sa amang si Vic.

"'Sino yan?'" tanong daw ni Bossing Vic. "'Marc Pingris 'yung basketball player,'" tugon naman daw ni Danica.

"'Sabihin mo one-on-one kami,'" pabirong hamon daw ni Bossing kay Marc.

Hindi rin daw nakaiwas si Marc sa pang-aasar ng Dabarkads noong nanliligaw pa siya kay Danica.

"Pagka may dala akong bulaklak, alam mo naman si Jose (Manalo), 'Parang may amoy patay dito ah,' alam niyang may dala akong bulaklak. Pero mabait na tao 'yon," saad ng dating PBA player.

Lagi raw ipinagpapaalam ni Marc si Danica kay Bossing Vic sa tuwing magde-date sila.

"'Sir puwede ba kaming pumunta ng Baguio ni Danica?' Or 'Puwede ba kaming umuwi ng province?' Nagpapaalam talaga ako," saad niya.

Ayon pa kay Marc, ang ina ni Danica na si Dina Bonnevie ang mas matanong at mas kumilatis sa kaniya kumpara kay Bossing Vic.

"Si Mommy D (Dina) parang pulis 'yan e, lahat itatanong sa 'yo, lahat! 'Saan ka galing? Lahat," natatawang kuwento ni Marc. "'Taga-saan ka? Saan ka nag-aral?' Hindi pa ako sumasagot may tanong na agad eh. Unang naging close kami ni Mommy D."

"Si daddy (Bossing) kasi tahimik 'yan eh, kapag nasa taping tahimik 'yan," dagdag ni Marc.

Inamin ni Marc na mas kinahaban siya kay Dina noong makaharap niya ito kaysa kay Bossing Vic.

"Si Mommy D, dahil siya yung matanong e. Kasi si daddy relax lang, so kapag nakaupo siya doon, hindi magtatanong 'to, so relax lang ako. Kapag si mommy D talaga pulis talaga 'yan, hindi lang pulis, sundalo talaga yan," patuloy niya.

Ngayon, 15 years and going strong ang pagsasama nina Marc at Danica bilang mag-asawa. At buntis muli si Danica sa ikatlo nilang anak.--FRJ, GMA News