Inilahad ng mga nasa likod ng GMA hit series na "Maria Clara at Ibarra," ang mga hamon na kanilang hinarap para magawa ang proyektong hango sa libro. Kabilang dito ang tanong kung papaano ito magagawang entertaining sa mga manonood.
Patok sa mga manonood, maging sa mga kabataan, ang historical portal fantasy series na "Maria Clara at Ibarra."
Kuwento ito ng isang Gen Z student na napunta sa mundo ng "Noli Me Tangere" ni Dr. Jose Rizal. Dito niya natuklasan ang mayamang kultura at kasaysayan ng bansa.
Sa Kapuso Insider, ibinahagi ni Concept Creator at Headwriter na si Suzette Doctolero, na nalikha ang konsepto ng "Maria Clara at Ibarra" dahil gusto nilang maghatid ng makabuluhang palabas na nagbibigay din ng aliw matapos dumaan ang mga tao sa COVID-19 pandemic.
Sabi naman ng Creative Director na si Aloy Adlawan, "Ang challenge actually nito is not even the values, [pero] 'yung maging entertaining siya for a TV audience. 'Yun talaga ang battlecry namin ni Suzette noong umpisa pa lang. 'Paano ba natin ito ilalatag sa kanila na hindi magmumukhang luma?'"
Ayon pa kay Adlawan, hindi naman nila puwedeng galawin o ibahin ang kuwento ng libro, na nais din nilang maipahatid sa Gen Z.
"Hindi namin puwedeng galawin 'yung kuwento ng Noli at Fili. Sacred 'yun eh, kailangang buo siya. Pero paano magma-matter itong Gen Z na ito sa loob ng book, ano ba ang magiging adventure niya sa loob ng book?" dagdag ni Adlawan.
Ayon kay Adlawan, pagpapatuloy ito ng paghahatid ng mga kuwento ng kasaysayan ng mga Filipino, lalo na ang Philippine Revolution noong 1800s, para sa mga kabataan at sa mga "nakakalimot" na sa panahon ngayon.
Ang "Maria Clara at Ibarra" ay pinagbibidahan nina Barbie Forteza, na gumaganap bilang estudyanteng si Maria Clara o Klay Infantes.
Mapapasok si Klay sa mundo ng nobela ni Dr. Jose Rizal at makikilala sina Crisostomo Ibarra at Maria Clara, na ginagampanan naman nina Dennis Trillo at Julie Anne San Jose. --FRJ, GMA News