Sa programang "The Boobay and Tekla show," tinanong si Carla Abellana kung malaya na ba siya, na kaagad naman niyang sinagot. 

Muling naging panauhin si Carla sa show nina Boobay at Tekla, at napag-usapan ang petsa ng kaniyang kapanganakan na Hunyo 12 pala, na pumapatak sa Araw ng Kalayaan.

Dahil natapat sa holiday at laging walang pasok sa eskuwela, sinabi ni Carla na hindi niya maiwasan na mainggit noong bata siya dahil hindi siya nakakapagpakain sa kaniyang mga kaklase kapag kaarawan niya.

"Actually medyo naiinggit nga ako nu'n na 'pag merong may birthday, nagpapakain. Ako, wala. Walang nagse-celebrate. Pero lagi sa aking sinasabi ng family ko, hindi bale buong bansa naman nagse-celebrate ng birthday mo," sabi ng aktres.

At dahil kalayaan ang pinag-uusapan, naitanong ni Boobay: "Ikaw ba, malaya ka ba?"

"Aba'y dapat malaya! Malaya tayo!" sabi ni Carla.

Dugtong naman ni Tekla, "wild and free, ganon?"

"Ah, hindi naman yung wild, free lang," natatawang paglilinaw ni Carla.

"Malaya. Para bang maganda na isipin mo ang sarili mo, ipagtanggol mo ang sarili mo," sabi pa ni Carla.

Napag-usapan din ang mga tattoo na ipinalagay ni Carla sa kaniyang katawan. Kabilang dito ang isang maliit na pulang puso sa kaniyang tainga.

Dahil masakit ang pagpapa-tattoo, Hindi naiwasan ni Boobay na itanong, "How do you deal with pain?"

"Pain na lang naman ang pag-uusapan, mataas ang tolerance ko sa pain, totoo 'yan. Pero hindi naman din, alam mo 'yun, 'yung masokista ka na. Basta kapag may masakit, hangga't kaya mong tiisin, tiis lang. Alam mo namang hindi rin magtatagal 'yan," sabi ni Carla.

Inihayag din ni Carla na madali siyang tawanan at ikinukonsidera ang sarili na mababaw pagdating sa comedy.

Ibinahagi rin ni Carla ang mga ginagawa niya kapag kapag nalulungkot. Kabilang na rito ang panonood ng mga comedy movies o makipaglaro sa kaniyang mga aso.

--FRJ, GMA News