Inilahad ni Princess Velasco na may kakulitang ginawa noon ang kaklase niya sa college na si Ryan Agoncillo kaya nabato ito ng kanilang propesor.
Sa isang episode ng Bawal Judgment ng "Eat Bulaga" kamakailan, sinabi ni Princess na naging magka-batch sila ni Ryan sa De La Salle University.
Ibinahagi ni Princess ang naalala niyang nakakatuwang moment ni Ryan sa kolehiyo.
"Naaalala mo si sir (kausap si Ryan), pangalanan ko ba? Nambabato kasi 'yun ng whiteboard marker," sabi ni Princess.
Hinayaan na ni Princess na si Ryan ang magbuo ng kuwento.
"Eh kasi, nagpatawa naman 'yung aming guro, eh natawa ako. Ang problema, 10 minuto na ang nakalipas tumatawa pa rin ako. Ayun, 'Pok!'" natatawang kuwento ni Ryan.
Ayon kay Ryan, kilala na noon si Princess sa kanilang campus dahil lagi itong nagpe-perform o kumakanta tuwing may mga program.
Pareho rin daw sila ng sinalihang organization ni Princess.
"Sila 'yung sa stage [sa] org namin, ako naman 'yung taga-ilaw nila sa production nila," sabi ni Ryan.
Isa si Princess sa guest choices sa Bawal Judgmental segment tungkol sa mga celebrity na nagkaroon muna ng office job bago pumasok sa showbiz.
Nagsimula sa GMA New Media si Princess sa GMA Network pagka-graduate, hanggang sa lumipat siya sa corporate strategic planning.
Hindi raw naisip ni Princess noon na gawing career ang kaniyang pagkanta.
"Siguro dati ang iniisip ko talaga parang hobby lang siya. Nag-aaral ako talaga ng Comm Arts, business course, parang hobby lang iyon. Tapos noong nagwo-work ako, ganu'n din, corporate talaga ang gusto ko, and then sideline o raket lang talaga ang singing," paliwanag niya.
Ngayon, kilala na si Princess bilang ang OPM Acoustic Princess at inire-release ang kaniyang mga kanta sa ilalim ng GMA Music.--FRJ, GMA News