Ikinuwento ni Joshua Hong, miyembro K-pop group na Seventeen ang naging karanasan niya nang sumakay siya ng taxi habang nagbabakasyon sa Maynila noong Setyembre.

Sa ulat ni Oscar Oida sa “24 Oras” nitong Martes, sinabi ni Hong sa live broadcast sa Korean app na "Wevers," na siningil umano siya ng taxi driver ng P1,000.

Kalaunan, nalaman ni Hong na higit tatlong beses na mataas ang singil ng driver sa kaniya kumpara sa dapat na pamasahe.

Gayunpaman, sinabi ng K-pop star na hindi naman "bad place" ang Maynila. Ikinuwento niya lang daw ang kaniyang karanasan sa fans bilang paalala na maaari itong mangyari kanino man.

Dahil sa nangyari kay Hong, mariing kinondena ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board ang anila’y labis na paniningil ng ilang public utility drivers (PUVs) sa kanilang mga pasahero.

“Nakalulungkot at nakakahiya na rin. Kaya naglabas tayo ng statement na ito ay mariin nating kinokondena. Hindi natin tino-tolerate ‘yung ganitong mga overcharging o violations ng ating mga public utility vehicles, whether sa kababayan natin o dayuhan, turista,” sabi ni LTFRB Board Member Atty. Mercy Jane Paras-Leynes.

Hindi pa matukoy kung sino ang taxi driver na naniningil ng mataas na pamasahe kay Hong. Pero iniimbestigahan na ito ng LTFRB.

Samantala, isa sa mga hakbang ng LTFRB para maiwasan ang parehong pang-aabuso sa mga pasahero ay ang pagpapakawala ng “mystery drivers.”

“Ito naman specifically naka-focus doon sa mga taxi drivers, na maaaring nag-o-overcharge o nagre-refuse to convey the passengers, tumanggi o nakikipag-kontrata lalo na sa mga ating mga malls pagka-ganitong mga panahon,” ani Paras-Leynes.

Sa pakikipag-usap naman ng GMA News sa ilang taxi drivers, alam daw nila na bawal na bawal ang pananaga at pangongontrata sa mga pasahero.

Pero medyo naiintindihan daw ng drivers kung bakit mayroon silang mga kasamahan na gumagawa ng ganitong mga kagawian.

“Karamihan sa mga operator, tinataas ang boundary, so useless din. Kaya ‘yung iba napipilitan dumiskarte. Talagang mali… barya-barya lang minsan nauuwi namin sa tooto lang,” sabi ng isang taxi driver.

“Dahil siguro sa hirap ng biyahe. Hindi kumikita. Kaya siguro sila nanghihingi ng dagdag,” dagdag pa ng isang taxi driver.

Babala naman ng LTFRB, kung mapapatunayan na sobra ang paniningil ng taxi driver sa pamasahe, maaaring kanselahin ang kanilang lisensiya at pagmultahin.

Hinihikayat din ng ahensya ang publiko na agad isumbong sa kanila ang anumang pang-aabuso ng PUVs sa kanilang LTFRB hotline number 1342.--Mel Matthew Doctor/FRJ, GMA News