Sa lahat ng vintage cars na koleksyon ni Allen Dizon, ang itinuturing niyang paborito at "mother" ng lahat ay ang 1990 Corolla 1.6, na binili niya noong 1997, ibinenta noong 2001, at nakuha niyang muli matapos ang 10 taon.
Sa kuwentong "Dapat Alam Mo!" ni Nelson Canlas, sinabing kung hindi abala sa kaniyang trabaho bilang aktor, pinagkakaabalahan ni Allen ang pangongolekta at pag-restore ng vintage muscle cars.
Old school man ang dating ng vintage cars, maaangas pa rin naman ang looks ng kaniyang mga sasakyan.
Isa sa mga unang muscle car collection ni Allen ang 1969 Fastback Mach 1 Mustang.
"Noong time na 'yun meron akong enough budget para doon sa fastback na iyon, so binili ko siya. 'Yun ang parang turning point na hindi ako satisfied sa isa, dalawa. Namili na ako nang namili. Dumami nang dumami ang muscle car ko," sabi ni Allen.
Ang 1967 Camaro RS na nabili ni Allen sa halagang P600,000, hindi tumatakbo, bulok at walang engine.
Pero nilagyan ito ni Allen ng 350 V8 engine at na-restore 10 taon ang nakararaan.
Madalas namang ginagamit ni Allen sa off-road at camping ang kaniyang 1997 110 Defender. Nakuha niya ito sa halagang P1.5 milyon.
Maaari itong magdala ng rooftop tent para sa mga camping na puwede i-setup para maging isang maliit na bahay.
Ang itinuturing niyang paborito at "mother" ng lahat ng kaniyang koleksiyon ay ang 1990 Corolla 1.6, na binili niya noong 1997, ibinenta noong 2001, at muli niyang nakuha matapos ang 10 taon.
Mas gusto raw ni Allen na mag-restore kaysa bumili ng sasakyan.
"'Pag nakikita mo siyang nasa junk tapos ire-restore mo siya, unahin mong naiisip gawin, hindi siya birong gastos. Tapos kapag nabuo mo siya 'yung satisfaction mo nandoon na, 'yung fulfillment mo bilang restorer, iba ang feeling eh," sabi ni Allen. --FRJ, GMA News