Inakusahan ni Angelina Jolie ang dati niyang asawa na si Brad Pitt ng pang-aabuso umano sa kaniya at sa kanilang mga anak sa isang private plane noong Setyembre 2016.
Sa ulat ng GMA News Feed, sinabing ito ang lumabas sa isang court filing ni Angelina sa isang korte sa Los Angeles nitong Martes, Oktubre 4.
Kaugnay ito ng kanilang legal battle sa isang French winery na pareho nilang pag-aari.
Ayon sa filing, hinila umano ni Brad si Angelina sa kaniyang ulo, at sinakal pa umano ang isa sa kanilang mga anak habang sinaktan sa mukha ang isa pa.
Wala pang sagot ang kampo ni Brad nang hingian ng panig nitong Martes.
Pebrero naman nang magsampa si Brad ng lawsuit laban kay Angelina at sa dati kumpanya ng aktres.
Sinabi ni Brad na labag umano sa batas ang pagbenta ni Angelina ng kaniyang parte sa Chateau Miraval winery sa isang international beverage company noong Setyembre 2021.
Base sa kasunduan, hindi ibebenta nina Brad at Angelina ang kanilang interests nang wala ang consent ng isa.
Pero ayon naman sa filing ni Angelina, walang umiiral na ganoong kasunduan.
Tumanggi rin umano si Brad na bilhin ang kaniyang shares sa property hangga't hindi siya pumapayag umano sa isang unreasonable na gag order hinggil sa mga naging pag-asta ni Brad.
Ayon pa sa filing ni Angelina, nasa ilalim na ng imbestigasyon ng FBI ang nangyaring insidente sa kanilang private plane at nakasaad din umano sa desisyon na may probable cause ang gobyerno para kasuhan si Brad ng federal crime.
Sa ngayon, hindi pa nakakasuhan si Brad, at hindi pa nagbibigay ng pahayag ang FBI.--Jamil Santos/FRJ, GMA News