Naghain na ng motion for reconsideration sa Court of Appeals (CA) ang kampo ni Vhong Navarro hinggil sa kaso niyang panghahalay na isinampa ng Taguig City Prosecutor's Office.
"Ang mga abogado ni Mr. Navarro ay nagsumite na ng motion for Reconsideration sa Court of Appeals upang mapabaligtad ang decision nito. Kinilala at inaksyunan na ng korte ang motion for reconsideration sa pamamagitan ng mga resolusyon kung saan pinapasagot si Ms.[Deniece] Cornejo sa motion for reconsideration at pati na rin sa impormasyon na pinakakasuhan na si Mr. Navarro," ayon sa isang pahayag ni Atty. Alma Mallonga, counsel ni Vhong, na makikita sa “24 Oras Weekend” nitong Sabado.
Sinabi ni Mallonga na sa ilalim ng Rules of Criminal Procedure, nagpapatigil sa pag-implementa ng desisyon ang paghain ng motion for reconsideration.
"Malinaw na maging sa pananaw ng Court of Appeals ay hindi pa pinal ang desisyon. Premature o hindi pa angkop ang paghain ng kaso laban kay Mr. Navarro," dagdag ni Mallonga.
Ayon pa sa abogado, itinigil ni Taguig Regional Trial Court Executive Judge Antonio Olivete ang pag-raffle ng kaso o pag-assign ng judge na didinig nito dahil sa mosyon.
"Nag-file ng motion for reconsideration si Mr. Navarro dahil tama at walang grave abuse of discretion ang aksyon ng DOJ (Department of Justice) na ibasura ang mga reklamo," sabi ni Mallonga.
Matatandaang sinampahan ng kasong rape ng piskalya si Navarro kaugnay sa umano'y panghahalay ng TV host-actor sa model-stylist na si Cornejo na nangyari noong 2014.
Inakusahan ng piskalya si Navarro ng panghahalay sa biktima sa pamamagitan ng “force, threat, and intimidation” at nilasing noong Enero 17, 2014.
Ang pagsampa ng kaso sa korte ay nag-ugat sa desisyon ng CA nitong Hulyo na nagsantabi sa naunang resolusyon ng DOJ na ibasura ang mga reklamo laban sa aktor.
Ayon sa CA, tanging korte lamang ang makakapagsabi kung sino kina Navarro at Cornejo ang nagsasabi ng totoo.
"We reiterate once more that the preliminary investigation is not the proper venue to rule on the respondent’s [Navarro] guilt or innocence," sabi ng CA. —Jamil Santos/VBL, GMA News