Sa selebrasyon ng kaniyang kaarawan, hindi napigilan ng "Sarap, 'Di Ba?" host na si Carmina Villarroel-Legaspi na maging emosyonal nang magpasalamat at humingi siya ng paumanhin sa kaniyang pamilya.

Sa isang episode ng programa, makikita na nilalabanan ni Carmina na huwag umiyak habang kasama ang mister niyang si Zoren at mga anak na sina Mavy at Cassy.

Sabi ni Carmina, walang dapat umiyak dahil kaarawan niya habang nagbibigay ng mensahe para sa kaniya ang kambal na anak.

Si Cassy, inihayag ang pagmamahal at pasasalamat sa kaniyang ina na hindi umano makasarili.

Nangako naman si Mavy sa kaniyang ina na mananatiling number one sa kaniyang puso at forever na priority ang kaniyang mommy.

May pagkakataon din na nagbiro si Zoren kung bakit nakakaiyak at magaganda ang mensahe ng kanilang kambal sa kaarawan ni Carmina pero hindi umano ganoon ang naging birthday message sa kaniya.

Gayunman, tuluyan nang tumulo ang luha ni Carmina nang pasalamatan niya ang kaniyang pamilya dahil sa pagmamahal at pag-unawa sa kaniya.

Pag-amin ni Carmina, hindi naging madali sa kaniya ang nakaraang siyam o 10 buwan. Sa panahong iyon, sinabi ng aktres na siya masyadong naging present sa buhay ng kaniyang pamilya.

Pero dahil sa suporta ng pamilya at nagmamahal, sinabi ni Carmina na nalampasan niya ang mabibigat na kaniyang pinagdaanan.

"Somehow you it make easier for me kasi ipinaramdam niyo na hindi ako nag-iisa and ipinaramdam niyo sa akin kung ano ang ibig sabihin ng pamilya," anang aktres.

"Hindi ko kayo napasalamatan but alam niyo ang ibig kong sabihin, thank you for being so understanding [na] kung the past nine o ten months hindi ako masyadong naging present sa buhay niyo because... Thank you sa pag-aalay niyo sa akin and for loving daddy Reggie," patungkol ni Carmina sa kaniyang ama na pumanaw noong Hunyo.--FRJ, GMA News