Ipinaabot ng mga artista sa showbiz ang kanilang pagdadalamhati para kay Cherie Gil, na pumanaw nitong Biyernes sa edad 59.
Sa Instagram ni Sharon Cuneta, na makikita rin sa Chika Minute report ni Nelson Canlas sa "24 Oras Weekend" nitong Sabado, ibinahagi ni Megastar na lumipad siya ng New York na may "heavy heart" para sulitin ang mga huling sandali kasama si Cherie.
Sa larawan, makikitang naluluha si Sharon sa tabi ng isang hospital bed, habang hawak ang kamay ni Cherie. Naka-crop naman ang iba pang bahagi ng larawan.
Ayon kay Sharon, si Cherie ang kaniyang "true screen partner."
"A most important part of my life and my history. Of my heart. I love you so very much... What will I do without you now, Love? My true screen partner, a true friend, ninang of Simone... I miss you so terribly [and] know it will only get worse,” mensahe ni Sharon kay Cherie.
Tumatak sa maraming Pinoy ang karakter ni Cherie bilang si Lavinia Arguelles at ni Sharon bilang si Dorina Pineda sa pelikulang "Bituing Walang Ningning."
Ipinaabot din ni Gabbi Garcia ang kaniyang pakikiramay, na nakasama ni Cherie sa isang episode ng "Magpakailanman" noong 2015.
2015. Ms.Cherie Gil, one of the best actors I’ve ever worked with. I will forever treasure this. Truly an honor ???????????? https://t.co/6KxskVLpMm
— Gabbi Garcia ? (@gabbi) August 5, 2022
"Truly one of the greatest actresses of all time. You were one of the reasons why I wanted to become an actor. Rest in power, Ms. Cherie Gil" sabi naman ni Barbie Forteza.
Nakasama naman ni Jon Lucas si Cherie sa "Tadhana."
Nakiramay din si Dennis Trillo, na nakasama ni Cherie sa "Legal Wives," ang huling serye ng batikang aktres sa Kapuso Network.
Napanood din si Cherie sa "Alyas Robin Hood" at "Onanay."
Si Cherie, o Evangeline Rose Gil Eigenmann sa tunay na buhay, ay ipinanganak noong Mayo 12, 1963 at nanggaling mula sa pamilya ng mga batikan sa showbiz na sina Eddie Mesa at Rosemarie Gil.
Kapatid niya sina Michael de Mesa at yumaong Mark Gil.
Lumipad pa-Amerika si Cherie nitong Pebrero para makasama ang pamilya, makalipas ang ilang dekada sa showbiz.
Matagal nang may karamdaman si Cherie at nagpapagamot sa Amerika.
Gayunman, hindi nagbigay ng detalye ang kaniyang pamilya tungkol sa kaniyang kalagayan. — VBL, GMA News