Naging emosyonal si Ian de Leon nang alalahanin ang usapan nila ng anak na si Jaden, kung saan sinabi nitong mas mahalaga siya bilang tatay na higit pa sa mga materyal na bagay.

Sa podcast na Surprise Guest with Pia Arcangel, inilahad ni Ian ang hamon na mawalay sa pamilya, lalo sa kaniyang mga anak, dahil kinakailangan niyang umalis sa lock-in taping para sa Kapuso action-adventure series na Lolong.

"'Yung six-year-old son ko, si Jaden, super [close] kami. I mean, kahit saan ako magpunta, kahit sa bahay, nandito siya lagi sa tabi ko. Kapag hindi niya ako nakikita every time he wakes up, he would cry, he would feel sad, he would feel lonely," sabi ni Ian.

Dahil din dito, kinakailangan niyang ipaunawa ang sitwasyon sa kaniyang anak.

"Noong unang alis ko, the night before I left, ine-explain ko sa kaniya, 'Dada has to go to work,' 'Dada has to be away for three weeks.' Sabi niya 'Daddy why do you have to go to work and then you're not gonna be here until three weeks?'" kuwento ni Ian.

"And then he started crying na. Sabi ko 'Dada has to do this for us, for our family. To provide you with what you need, in school, your toys, your favorite food, your candies, your chocolates,'" paliwanag ni Ian sa kaniyang anak.

Ngunit naluha si Ian sa naging tugon at aksyon ng kaniyang anak.

"Sabi niya sa akin, 'Dada I don't need all of those, all I need is you. Don't leave me.' Eh katabi ko siya laging matulog, nandito siya lagi sa arms ko natutulog, hindi siya makakatulog hangga't hindi siya andito sa arms ko. Talagang niyakap niya ako nang mahigpit."

Itinago raw ni Ian mula kay Jaden ang kaniyang pagluha.

"I didn't want to let him know na I was also crying na rin," anang aktor.

Ito raw ang unang pagkakataon na aalis si Ian nang matagal mula sa kaniyang pamilya, kaya ganito na lamang ang pagka-miss ng kaniyang anak sa kaniya.

Gumaganap si Ian bilang si Lucas, isa sa mga tauhan ni Mayor Armando Banson at nagsisilbing tinik ng bidang si Lolong, na ginagampanan ni Ruru Madrid. —LBG, GMA News