Nagbigay ng payo si Alden Richards sa bagong Sparkle artists at una rito ang kahalagahan ng "respeto" sa mga taong kanilang nakakasalamuha para maging matagumpay sa showbiz industry.
"'Yung respeto, 'yan ang number one. Kahit gaano ka kagaling, kahit gaano ka kasikat, kung hindi mo tinatrato nang maayos 'yung mga tao sa paligid mo, invalid lahat 'yun eh," sabi ni Alden sa Chika Minute report ni Nelson Canlas sa "24 Oras."
Labing-isang taon ang tagal ng paghahanda ni Alden para sa mga importanteng bagay sa kaniyang buhay bilang isang artista at entrepreneur.
"When you enter the industry, you have to ask yourself a question, 'Is this what I really want?'", buong pusong pagbabahagi ni Alden sa kauna-unahang "Sparkle 101-A Series of Masterclass" para sa Sparkle artists.
"Kausapin ko 'yung mga bagong members ng Sparkle and 'yung mga artist na bago sa atin. So that in a way I can impart wisdom to them. Kahit paano siguro mabigyan ko sila ng direksyon, kung saan, ano 'yung mga bagay na dapat at hindi dapat nilang ginagawa sa pagsisimula nila dito sa industriya," sabi ni Alden.
Nagkaroon ng pag-uusap sina Alden at ang mga bagong stars tungkol sa iba't ibang aspeto ng buhay artista.
Tinanong din si Alden kung paano niya inaayos ang kaniyang oras.
"Actually sobrang hirap niyan... But if you are committed to something, you will do whatever it takes," sabi ni Alden.
Inihayag naman ng ilang Sparkle artists ang kanilang natutunan sa mga ibinahagi ni Alden.
"For me po, maging mabuting tao and maging totoo sa sarili ko at sa ibang tao, lalo sa fans," sabi ni Vanessa Pena.
"Ang dami ko pong natutunan sa kaniya, 'yung struggles niya po sa life and paano niya dineal (deal) 'yon," sabi ni Saviour Ramos. --Jamil Santos/FRJ, GMA News