Sa nakaraang podcast episode ng "Surprise Guest With Pia Arcangel," ang "Tower of Power" at isa sa mga basketball star na si Benjie Paras ang naging bisita. Dito ay natanong siya kung pinapanood ba niya ang laro ng mga anak niyang sina Andre at Kobe na naging mga basketball player din.
Ayon kay Benjie, bagaman nanonood siya ng laro, hindi siya nagpapakita sa kaniyang mga anak.
"Hindi ako nagpapakita during their games, kay Andre and Kobe while playing, kasi ayaw ko nung 'pag dumating ka people will compare them to you," paliwanag niya.
"Doon lang ako sa isang exit na nakatayo lang ako and every time na may timeout umaalis ako," dagdag niya.
Kuwento pa ni Benjie na isa ring komedyante, gumagawa siya kunwari ng dahilan na hindi siya siguradong makakapanood kapag iniimbitahan siya ng mga anak na manood ng laro.
"They will tell me na, 'Dad we have a game, are you going with us?' 'I have work, pero I'll try ha,' pero wala akong work nun [lihim akong nanonood]," sabi ni Benjie.
Ipinaliwanag din ni Benjie na hindi siya masyadong nakikialam sa mga laro ng anak at lagi niyang ipinapayo sa mga ito na makinig at sumunod sa kanilang coach.
Pero lagi raw siyang nakahanda para hasain ang talento ng kaniyang mga anak sa naturang sports.
"Wala silang naririnig sa akin if they are playing good or playing bad," aniya. "For me kasi pinagalitan ka na ng coach e, that's enough, so nadaanan ko na 'yun."
Kasalukuyang naglalaro si Kobe sa Japan B. League, kaya bihira silang magkita. Samantala, kakaretiro lang ni Andre sa PBA para tutukan ang showbiz career.
Sabi pa Benjie, bukod kina Kobe at Andre, nahihilig din sa basketball ang dalawang niyang mas batang anak na edad 11 at 13.
Sinusubukan daw niyang ilayo ang atensyon ng dalawang bata sa baskeball "para maiba naman," pero doon pa rin daw pumupunta. —FRJ, GMA News