Matapos kumalas si Kean Cipriano sa dati niyang banda na Callalily, na LILY na ang pangalan ngayon, ilang post na tila may "patama" ang inilalagay ng grupo sa kanilang Facebook page.
"Help! Naghahanap kasi kami ng magandang name ng vocalist na papalit, 'yung tunog mag-se-stay. Suggest kayo dali!," saad ng grupo sa post na may kasamang laughing emoji.
Bago nito, may post din ang grupo na tila konektado naman sa naging pahayag ni Chynna Ortaleza, asawa ni Kean at vice president ng O/C Records, na hangarin umano ng kaniyang mister na mag-grow artistically ang mga dating kabanda.
“Masakit iwanan pero mas masakit sabihin niyang di siya nag-grow pagkatapos ka niyang pakinabangan," saad ng Lily sa post.
Bukod pa ito sa post ng isang malakas umanong kumain na may nakasaad sa bahagi ng caption na, "Baka masyado kang mag grow niyan tols."
Sa pagkalas ni Kean sa banda, sinasabing naghahanap ang Lily ng bago nilang vocalist.
Nitong nakaraang linggo, sinabi ni Chynna na "nag-disengaged" sa grupo ang kaniyang mister at hindi nang-iwan. Hindi na rin umano maganda ang ugnayan ni Kean sa mga dating kabanda.
“He feels like there's a new kind of creativity being asked of [him] at the moment. Of course, he feels grateful na 17 years na siyang na-a-appreciate for the hits of Callalily but at the same time, he feels like there’s much more to [his] musicality that [he] can explore,” ayon kay Chynna.
“Siyempre, he was trying his best din naman to do his own thing but the thing is, again, at the end of the day, he just felt like it’s been 17 years. It’s time for each individual to grow artistically,” dagdag niya.
Kasunod nito, pinalitan na ng Lily Music ang FB page ng Callalily. Nag-post din ang grupo na binubuo nina Lem Belaro, Aaron Ricafrente, Alden Acosta, at Nates Reyes ng larawan na may caption na “Pag kumanta ba kami ng ‘Magbalik,’ babalik ka[?]”
Sa comment section, sinabi ng grupo na, “Salamat sa [suporta] ninyong lahat. We are here to stay and we will still bring to you the songs that made OUR childhood. Tuloy tuloy lang kami and tuloy tuloy lang namin ibabahagi ang kwento namin. See you soon guys. Mahal namin kayo.”
May bago na ring logo ang LILY na ginawang Facebook profile picture, na may nakasaad na caption na, “Magsimula nalang ulit sa simula dahil naagaw ka niya.”
Samantala, inanunsyo ng grupo na kung may umalis ay mayroon umanong bumalik. Patungkol kay Alden na naging miyembro nila mula 2005 hanggang 2010.
“May umalis pero may muling nagbalik… Welcome back Alden ‘the [left-hand] guitarist’ Acosta. Paturo naman mag tininiw lods!,” saad ng grupo sa post.
Inanunsyo rin ng Lily na maglalabas sila ng bagong awitin na may titulong “Sinayang.” Nag-post din sila ng bahagi ng kanta na nagsasaad ng, “Di na ko magpapakita, doon ka nalang kung saan ka masaya, konti nalang at manhid na, kaya sakit ay dagdagan mo pa.” —FRJ, GMA News