Inihayag ni Bea Alonzo na mayroon siyang ex boyfriend na ayaw na niyang makatrabaho.
Sinabi ito ni Bea nang maging unang bisita siya sa bago at kauna-unahang Youtube talk show ni Barbie Forteza na "Coffee Talk."
Sa naturang talk show, ipinamalas ni Barbie ang husay niya bilang host kung saan magkahalong katatawanan at seryoso ang ibinato niya kay Bea.
Kabilang sa mga itinanong ni Barbie ay kung okey ba kay Bea na makatrabaho ang kaniyang mga naging ex-boyfriend.
“Depende kung sinong ex," direktang sagot ni Bea. "Kay Zanjoe [Marudo] OK. Isa lang naman ‘yung ayokong ex," patuloy ng aktres.
Ayon Bea, nanatili silang magkaibigan ni Zanjoe kahit nang maghiwalay sila.
“Kami ni [Zanjoe], hindi kami ugly breakup. Until now we’re friends. It would be disrespectful to our relationship if we ended it badly,” saad ni Bea.
Taong 2016 nang maghiwalay sina Bea at Zanjoe. Matapos nito ay nagsimula namang mag-date sina Bea at Gerald Anderson, sa nasabi ring taon.
Pero pagkatapos ng tatlong taon, naging kontrobersiyal ang kanilang paghihiwalay.— FRJ, GMA News