Hindi na naman matutuloy ang nakatakdang pagtatanghal sa Pilipinas ni Alanis Morissette sa darating na Nobyembre.
Sa social media post, inihayag ng Ovation Productions na hindi na matutulog ang naturang concert sa November 18 at 19 sa Mall of Asia Arena dahil umano sa “scheduling issues and to the unprecedented logistical challenges of global touring in 2022.”
Sinabi sa post na makatatanggap ng refund ang mga nakabili na ng tiket.
Sa pahayag, sinabi ni Alanis na, “My friends in Philippines, I am crestfallen to announce that the upcoming Jagged Little Pill Anniversary tour dates have been cancelled. I love you all and will be back as soon as we can. Until then, big hug.”
Ang naturang sold-out shows ay magiging bahagi sana ng Jagged Little Anniversary tour, bilang pagdiriwang ng ika-25 taong anibersaryo ng iconic album ni of Alanis, kasama ang mga hit song na “Ironic” at “You Oughta Know.”
Unang itinakda ang Manila concert ni Alanis noong April 2020, pero iniurong sa December 2021, hanggang sa maging November 2022, na hindi na naman matutuloy. Isn't it ironic?— FRJ, GMA News