Ikinuwento ni Jon Lucas ang naging reaksiyon ng kaniyang misis nang magkaroon siya ng first-ever kissing scene sa isang music video.

Sa programang "Mars Pa More," sinabi ni Jon na hindi siya gumawa o hindi siya nagkaroon ng intimate scenes sa mga proyekto na kaniyang ginagawa.

Kaya naman hindi sanay at nagulat ang kaniyang asawa nang malaman na nagkaroon siya ng kissing scene sa babaeng nakasama niya para sa isang MTV.

"Medyo nanibago lang naman [si misis]. Kumbaga nagulat, siyempre hindi naman siya sanay na ganun," anang aktor.

"Sabi niya, ''Hala ba't ka pumayag sa ganun,?' Sabi ko, 'Mommy, wala na akong magagawa gusto ko 'to,' Hindi joke lang!," biro ni Jon.

"Sabi ko kailangan talaga sa music video. Ito talaga yung hinihingi ng director, ng producer," patuloy ni Jon na naintindihan naman daw ng kaniyang asawa.

Bago umano opisyal na ipalabas sa TV o Youtube ang MTV, humingi umano si Jon ng raw video ng MTV at ipinapanood niya sa asawa.

"Sa kaniya ko muna pinanood. Doon ko na rin inexplain, doon na rin niya naintindhan. Lumabas yung music video na ok naman lahat," dagdag ng aktor.-- FRJ, GMA News