Muling magpapatawa, magpapakilig at maghahatid ng good vibes si Rufa Mae Quinto kasama ang Kapuso young heartthrobs at si Betong Sumaya sa pinaka-bagong feel good sitcom na "Tols" na mapapanood sa GTV.
Sa Chika Minute report ni Cata Tibayan sa GMA News "24 Oras" nitong Martes, sinabing isa-isa nang pinakilala sa isang press conference ang cast ng "Tols."
Binubuo ito nina Kelvin Miranda bilang si Uno, Abdul Raman bilang si Third, at si Shaun Salvador bilang si Dos.
Kasama rin sa cast sina Betong bilang si Tuks, at Arkin Del Rosario bilang si Makoy.
Gaganap naman si Rufa Mae bilang si Barbara "Barbie" Macaspac, isang entertainer sa Japan.
Iniwan muna ni Rufa Mae ang buhay niya sa Amerika para bumalik sa acting sa Pilipinas, habang long-distance relationship ang set-up nila ng kaniyang mister na si Trevor.
Kasama ni Rufa Mae ang anak na si Athena sa Pilipinas.
"Na-miss ko na talaga ang Philippines at saka lahat-lahat, lalo na ang showbiz. 'Yun talaga ang unang una, at GMA-7. Na-miss kong magpatawa. Sabi ko sa mga ka-trabaho, tumawa nang tumawa," saad ni Rufa sa press con.
Kinagiliwan naman ng batang hearthrobs ang pagiging natural na komedyana ni Rufa Mae, on at off screen.
"Sobrang kalog. Minsan nakakalimutan ko 'yung linya ko," natatawang sabi ni Kelvin. "Nabubuhay ang eksena kasi nababanat niya eh."
"I was overjoyed. And truth be told, sobrang saya niya po kasama sa set. Marami rin po kaming natutunan sa kaniya," sabi ni Abdul.
"Lumaki rin po kasi ako na nanonood ng comedy at isa rin si Ms. Rufa 'yung pinanonood ko. Hindi ko in-imagine na one day, right now, makaka-work ko siya," sabi ni Shaun.
Unang beses namang gaganap ni Betong bilang isang kontrabida.
"Abangan niyo 'yung, parang love angle namin ni Peachy (Rufa Mae). Isipin mo ha, Betong-Peachy, Betong-Rufa Mae, parang alam niyo na kung ano ang mangyayari," natatawang sabi ni Betong.
Bago ganapin ang press conference, nagkaroon ng contract signing ang GMA at Merlion Events Production Inc., na co-producers ng sitcom.
Lumagda si GMA Network First Vice President for Program Management Joey Abacan para sa panig ng Kapuso Network, habang pumirma ang talent manager na si Tyronne Escalante para sa Merlion Events Production Inc.
Mapapanood ang "Tols" sa Hunyo 25, Sabado ng 7 p.m. sa GTV. -- Jamil Santos/FRJ, GMA News