Humanga ang mga host ng "Eat Bulaga" sa pagsisikap ng isang dating boy sa palengke. Sa kaniyang paglaki, nag-aral siya hanggang sa maging guro, at kinalaunan ay nagkaroon ng mga negosyo katuwang ang kaniyang asawa na isa ring guro.

Kabilang si titser Dindo sa mga naging bahagi ng segment na "Bawal ang Judgmental" kung saan ikinuwento niya ang kaniyang naging tagumpay sa buhay.

Ayon kay Dindo, dahil sa pareho silang guro ng kaniyang asawa, naisipan nilang magbukas ng maliit na pre-school.

Sila na rin umano ang gumagawa at nagsusulat ng kanilang libro kaya nagkaroon na rin sila ng sariling printing shop.

At dahil sa may field trip sa edukasyon, nangutang sila ng pambili ng bus at nagkaroon na sila ng tourist bus, bukod sa iba pang negosyo.

"Magaling po yung misis ko sa pag-iisip," sabi ni Dindo.

Napansin ni Ryan Agoncillo ang magandang pananalita ni titser Dindo at malinaw kung magpaliwanag.

Ayon sa guro, taglay na raw niya ito kahit noong bata pa siya at nasa palengke. Naging lider din siya ng mga kabataaan, naging pinuno ng simbahan, at naging pinuno ng paaralan.

Lagi raw niyang ipinapayo sa kaniyang mga anak na tumulong sa kapwa at huwag maging maramot. Pero dapat umanong piliin ang tutulungan at huwag magpapaloko sa bibigyan.

Binigyan-diin ni Dindo na mahalagang bahagi ng pagkatao ng isang tao ang trabaho.--FRJ, GMA News