Nagpasalamat si senator-elect Robin Padilla sa TV personality na si Kris Aquino dahil sa ginawang pagtulong sa kaniya para manalo sa nakaraang May 2022 elections.
"Maraming nagtatanong at nagtataka kung bakit napakataas ng boto ko at kung paano ako nag number one. Walang nakakaalam na may boto rin ako galing sa kampo ng mga Aquino," sabi ni Padilla sa Facebook post.
Si Kris, anak ng namayapang si dating Pangulong Corazon Aquino at dating senador Benigno "Ninoy" Aquino Jr.
"Maraming-maraming salamat Ms. Kris Aquino. Ang ating pagiging magkaibigan ay hindi naapektuhan ng pulitika bagkus ito pa ang nagbuklod sa atin. Hinding-hindi kami makakalimot," ani Robin na nag-number one sa senatorial race.
Kuwento ni Robin, nakipag-ugnayan umano si Kris sa mga kaalyado ng mga Aquino para tulungan siya sa kampanya.
Ginawa umano ito ni Kris kahit pa tumatakbo siya sa grupo ng UniTeam, nina dating senador at ngayo'y President-elect Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr. at Vice President-elect Sara Duterte.
Kilalang magkalaban sa pulitika ang mga Marcos at Aquino.
"Hindi kailanman naging isyu sa kanya na Uniteam ako. Nagtataka ang mga nakakausap niya kung bakit ako nilalakad sa kanila pero sinasagot lang niya ito ng basta pls help Robin for me," sabi ni Robin.
Hangad din ni Padilla ang paggaling ni Kris sa pambihirang sakit nito na Eosinophilic Granulomatosis with Polyangiitis (EGPA).
Magtutungo sa Amerika si Kris para doon magpagamot dahil hindi pa aprubado sa Pilipinas ang sinasabing gamot para sa EGPA, na isang life-threatening disease.
"Andito lang palagi kami ni Mariel [asawa ng aktor]para sa iyo at kapag ako'y nagka-visa sa US of A, dadalawin ka namin at personal na magpasalamat sa iyo," sabi ni Robin.—FRJ, GMA News