Inilahad ni Bea Alonzo ang kaniyang pagiging bukas sa posibilidad na matuloy ang pinakahihintay na dream project nila ni John Lloyd Cruz.

Sa Chika Minute report ni Nelson Canlas sa 24 Oras Weekend nitong Sabado, sinabi ni Bea na posible itong mangyari kapag natapos na ang taping ng pinagbibidahan niyang Philippine adaptation ng hit K-drama series na "Start-Up."

"Lahat ito ay nagdedepende pa sa time naming dalawa kung magtutugma at nagdedepende pa rin sa script kung mababasa na ni John Lloyd and he will agree to doing it. But it's very, very exciting kasi nakaka-flatter din na kahit na sobrang tagal na naming magkapareha, hindi pa rin nawawala 'yung interes nila sa amin," sabi ni Bea.

Leading lady si Bea ni Alden Richards sa "Start-Up."

Samantalang si John Lloyd naman, abala sa kaniyang sitcom sa Kapuso Network na "Happy ToGetHer."

Samantala, achievement unlocked para kay Bea na umabot sa 100 episodes ang kaniyang vlog, na sinimulan niya noong pandemya.

Hindi aniya ito inaasahan ni Bea, pero malaki ang effort na kaniyang ibinibigay para mapaganda ang vlog.

"This is very meaningful to me kasi personally minsan lang ako nakagagawa ng mga bagay consistently. And I'm very proud that I was able to do this," saad niya.

Hindi rin pinalampas ni Bea na gawing isang maliit na event ang mapanood ang kaniyang vlogs kasama ang kaniyang fans na ngayon lang uli niya nakasalamuha.

"Siguro 'yun 'yung mas pinakamalaking nagawa sa akin nitong vlog. Like nagkaroon ako ng mas malalim na connection and friendship with my fans," anang Kapuso actress. – Jamil Santos/RC, GMA News