Inilahad ni Camille Prats ang kaniyang panghihinayang sa naglahong relasyon sa pakikipagkaibigan nang magkaroon ng COVID-19 pandemic.
Sa isang segment sa "Mars Pa More," tinanong si Camille tungkol sa tao na nakaramdam siya ng "panghihinayang."
Hindi na pinangalanan ni Camille ang naturang tao, pero inilahad niya ang kaniyang dahilan.
"Dear friendship, huwag na natin siyang pangalanan. Gusto ko lang na malaman mo na nanghihinayang ako dahil parang feeling ko hindi na tayo on the same wavelength pagdating sa pagkakaibigan natin," sabi ng host.
"Kasi isa sa mga na-realize ko this past two years, nitong pandemic, na talagang dito pala lalabas 'yung tunay na kaibigan mo, 'di ba? Ito 'yung panahon na lahat tayo we were going through so much, ang daming pinagdadaanan, everything is uncertain. So dito rin talaga lalabas 'yung mga alam mong mahalaga sa'yo at mahalaga ka rin sa kanila," dagdag ni Camille.
"Marami rin akong mga kaibigan na super close ko dati pero ngayon parang feeling ko, wala na kaming connection," paglalahad pa niya.
Ayon kay Camille, mayroon siyang mga pagkakaibigan sa ilang tao na hindi na umusbong pa.
"Like the years na we were apart and hindi nagkita, malaki rin 'yung nagbago roon sa quality ng friendship, and of course nakapanghihinayang. Hindi na-sustain, or parang nag-iba na talaga kayo ng path," paliwanag pa ni Camille. -- FRJ, GMA News