Mas lalo pang sumaludo si Xian Lim sa mga kababaihan nang gampanan niya ang role ng isang buntis dahil sa nangyaring "gender switch" sa inaabangang Kapuso series na "False Positive."
"Kurot pa lang 'yung nararamdaman ko sa dami ng pinagdadaanan [nila]. It gives me a whole another level of respect for them, for you guys (mga babae) dahil, grabe, hindi biro," sabi ni Xian sa Chika Minute report ni Aubrey Carampel sa 24 Oras.
Makakatambal ni Xian sa unang pagkakataon si Glaiza de Castro, kung saan gaganap sila bilang mga bagong kasal na sina Edward at Yannie dela Guardia.
Pero sa hindi inaasahang pagkakataon, magkakaroon sila ng pagpapalit ng kanilang kasarian, at ang karakter ni Xian ang mabubuntis.
Hamon para kay Xian ang kaniyang role, pero nagpasalamat siya na ipinaranas sa kaniya ang pinagdadaanan ng mga babae.
Napasabak naman si Glaiza sa romantic comedy at may halong fantasy. Bago nito, kilala nang sanay sa drama si Glaiza.
"May mga na-discover ako sa sarili ko na, 'Ah okay, dapat pala hindi ko masyadong isipin.' Dapat pala i-enjoy mo lang 'yung moment, being present ganiyan, so ang sarap sa pakiramdam," sabi ni Glaiza.
Mapapanood na ang False Positive sa Mayo 2 sa GMA Telebabad. – Jamil Santos/RC, GMA News