Tinawag ng actress-comedienne na si Ces Quesada na "unfortunate" ang nangyaring pagsampal ni Will Smith sa presenter na si Chris Rock sa nagdaang Oscars sa Amerika. Si Carmi Martin, aminadong nayabangan kay Will.
Sa programang "Mars Pa More," sinabi ni Ces na "bad joke" ang binitawan ni Chris tungkol sa asawa ni Will na si Jada, na mayroong kondisyon na alopecia.
Dagdag pa ng aktres, "bad reaction" naman ang naging tugon ni Will sa biro ni Chris.
"Kaya unfortunate yung nangyari," anang aktres sa nangyaring insidente na napanood ng milyong-milyong tao sa buong mundo.
Para kay Ces, may ibang paraan na puwedeng ilabas ni Will ang kaniyang inis sa biro ni Chris sa kaniyang asawa.
Maaari naman umanong kinausap na lang ni Will sa backstage si Chris at pero hindi dapat na gumamit ang aktor ng dahas.
Dahil gumaganap din sa comedy roles, aminado si Ces na may thin line sa mga binibitawang biro ang mga komedyante.
"May mga topic na talagang very dangerous na i-tackle like religion, gender and politic," ani Ces. "Yung nangyari sa kanila... yung sakit [karamdaman] you don't kick somebody already down. That's the rule."
"You don't make fun of people na may mga ganung kwan...may pinagdadaanan. Kaya nga may thin line 'yan. Sa Amerika kasi fair game lahat eh," patuloy niya sa pagpapaliwanag kung paano dapat i-filter ang joke, kailangan dapat bitawan at ano ang limitasyon.
May pagkakataon din umano na napi-pressure ang komedyante na magpatawa at wala nang maisip na paraan kaya napipilitan laiitin ang isang tao at gawing katatawanan.
Aminado naman si Carmi na nayabangan siya sa inasta ni Will nang una niyang napanood ang insidente.
"Sabi ko, naku baka alam niya na siya ang mananalo ng best actor. Kasi parang he owns the whole place para sumigaw siya don, nagmura pa," anang aktres.
Hanga naman siya sa ginawa ni Chris na naging kalmado at itinuloy lang ang ginagawa sa kabila ng pagsampal sa kaniya ni Will.
"Kaya dapat talaga maging careful tayo sa gagawin natin whether nandito tayo sa public or what because we only have one audience and that is God," mensahe ni Carmi.
--FRJ, GMA News