Humarap sa media at nagbigay ng pahayag si Ana Jalandoni matapos ang umano'y pananakit sa kaniya ng nobyong si Kit Thompson.

Ayon sa ulat ng GMANetwork.com, sinabi ni Ana sa mga mamahayag nitong Lunes, na nakararanasan siya ng anxiety at depression matapos ang naturang insidente.

"Doon nga po ako hirap. Doon po ako nahihirapan, anxiety, lahat-lahat na. Natatakot ako sa ospital, hindi ako natutulog. Nahihirapan po ako, hanggang ngayon traumang-trauma po ako," pahayag niya.

Sinabi ng kaniyang abogado na si Atty. Faye Singson, na tumatawag sa kaniya si Ana at sinasabing napapanaginipan niya ang nangyaring insidente.

"The following days after the incident, tumatawag po siya sa akin. Siyempre, ang una kong tatanungin, 'Kumusta ka na? Nakatulog ka ba?' 'Yun mismo ang sasabihin niya, she will breakdown and cry, 'Attorney, hindi ako nakatulog. Nanaginip ako, every detail [is] relived in my head. Bangungot, nightmare, akala ko totoo ulit. Kung nakatulog man ako, yun ang nasa isip ko,'" ani Atty. Faye.

Ayon pa sa abogado, bukod sa pamamaga ng mata at sugat sa mukha, nagtamo rin ng pasa si Ana sa leeg at baywang.

Saad ni Ana sa nararanasang depression at anxiety.

"Na-depress po ako. Parang kapag nakikita ko yung mukha ko [pagkatapos ng insidente], 'tapos nakikita ko yung pictures ko, parang hindi ako natutuwa, so tinanggal ko po lahat. Hindi ko na po nakikita kung ano yung hitsura ko. Parang hindi na ako yun," kuwento niya.

Ipinagdarasal umano niya na bigyan siya ng lakas sa kakaharapin niyang laban.

"Pinagpe-pray ko po, siyempre, nagpapasalamat po ako na ligtas po ako. At saka po, bigyan niya ako ng lakas ng loob para lumaban. Sana maging maayos ang lahat," ani Ana.

"Kasi, alam ko po na kailangan ko pong magsalita. Although, mahirap nga po, kinakaya ko po. Yung lakas na pinaghuhugutan ko, sa taas po talaga at, siyempre po, sa pamilya ko at mga nagmamahal sa akin," patuloy niya.

Humingi rin ng paumanhin si Ana sa kaniyang ama at kapatid sa ibinigay niyang pag-aalala sa mga ito.

"Sa daddy ko, sa kapatid ko, sorry. Nasaktan ko kayo sa pag-aalala sa akin. Gagawin ko po yung tama. Doon lang ako sa tama. Mamahalin ko po yung sarili ko," ayon kay Ana.

Nagpahayag naman ng lubos na suporta kay Ana ang kapatid niya at ama na ituloy ang demanda laban kay Kit.

Matapos ang naging karanasan, sinabi ni Ana na natutunan niya na dapat munang mahalin ang sarili bago ang iba.

"Mahalin ko talaga ang sarili ko. Mahalin ko po talaga yung sarili ko bago yung ibang tao," sambit niya.

"Although alam ko po sa sarili ko kung paano magmahal, as in dalawang kamay ko ang ibibigay ko," dagdag niya. "Pero itong nangyari sa akin, kailangan mas doblehin ko nang sobra-sobra ang pagmamahal sa sarili ko para hindi ako nasasaktan."

Nitong Marso 18, nang arestuhin ng mga pulis si Kit dahil sa umanong pagdetine at pananakit kay Ana sa tinuluyan nilang hotel sa Tagaytay City, Cavite.

Sinabi ni Ana na nagkaroon sila ng mainit na pagtatalo ni Kit na nauwi sa pananakita sa kaniya.—FRJ, GMA News.