Gaganap ang batikang actress-director na si Gina Alajar bilang lola na tutulong kay "Good Boy" sa Philippine adaptation ng hit Korean drama na “Start-Up.”
Sa Chika Minute report ni Nelson Canlas sa “24 Oras” nitong Martes, sinabing gagampanan ni Gina ang karakter na si Mrs. Choi.
Ayon sa batikang aktres, magiging challenge sa kaniyang mabait na role dahil pawang mga kontrabida ang kaniyang ginampanan sa nakaraang mga proyekto.
“That would be the challenge, Nelson, kasi doing kontrabida roles for so long, siyempre my facial muscles are iba na, kasi laging nakasimangot, laging galit, laging nanggigigil,” paliwanag niya.
“While of course the character of lola ay gentle and understanding, madali siyang magtiwala at magmahal sa tao,” patuloy niya.
Makakasama rin sa series ang multi-awarded actor na si Royce Cabrera, na labis ang pasasalamat na napabilang siya sa cast ng naturang proyekto.
“Sobrang privileged at sobrang thankful sa blessing at opportunity na dumating na ito. Kaya ’di ko talaga sasayangin ang pagkakataon na ito,” sabi ni Royce.
Kasama rin sa proyekto ang “Bubble Gang” members na sina Kim Domingo at Boy 2 Quizon.
“Feeling ko kami ’yung magbabalanse nung mga mabibigat na eksena,” ani Kim.
“Kahit umatake naman ako ng seryoso matatawa rin naman sila eh,” saad ni Dos. “And definitely I’m really excited to work with Alden.”
Bukod sa mga pangunahing bida na si Alden Richards at Bea Alonzo, kasama rin sa “Start-Up” series sina Jeric Gonzales at Yasmien Kurdi. – FRJ, GMA News