Natatawang ikinuwento ni Gladys Reyes na parang anak niya ang mister na si Christopher Roxas na kinailangan niyang i-cheer habang nagpapaturok ng COVID-19 vaccine.

Sa programang "Mars Pa More," ipinakita ang video na kuha noong unang mabakunahan ng COVID-19 vaccine si Christopher.

Sa video, makikita na hindi komportable si Christopher habang madidinig naman ang boses ni Gladys na nagsasabing "kaya mo 'yan."

Ilang beses din na hindi natuloy ang magtusok ng karayom sa aktor. At nang magawa na ang pagbakuna, mas matagal pa raw ang "inarte-arte" ni Christopher.

Ayon sa aktor, ang COVID-19 vaccine ang unang karanasan niya sa pagbabakuna.

Ang takot sa injection ang dahilan kaya hindi rin siya nagpapa-tattoo.

Bagaman takot pa rin sa injection nang mabigyan siya ng second dose, mas naging mabilis naman daw ito kaysa sa unang turok.

"Ako pang nagchi-cheer na, 'kaya mo yan.' Parang anak ko yung babakunahan," matatawang balik-tanaw ng aktres.

--FRJ, GMA News