Dahil sa pagkakadawit ng kaniyang pangalan sa umano'y marital problem nina Carla Abellana at Tom Rodriguez, direktang tinanong si Kelley Day kung naging magkarelasyon ba sila ng Kapuso actor.

Sa showbiz talkshow nina Boobay at Pepita Curtis na "Kalurks!," tinanong nila si Kelly kung papaano nga ba nagsimula na madawit ang pangalan niya sa isyu nina Carla at Tom.

Hinala ni Kelley, nagkataon lang na hindi siya aktibo noon sa social media nang magpunta siya United Kingdom para bisitihan ang ama at dumalo sa libing ng isang kamag-anak kaya may mga naghinala na buntis siya.

"Actually nagulat din ako na buntis pala ako," natatawang sabi ng aktres.

Bukod pa rito, naging laman din siya ng blind item na ang ibinigay na clue ay tila siya ang tinutukoy.

Kaya hindi niya raw masisisi ang mga tao na paghinalaan na third party siya sa kung anuman ang naging isyu kina Carla at Tom.

Pero paglilinaw ni Kelley, never na nagkaroon sila ng relasyon ni Tom.

Ito ay kahit pa nagkatrabaho sila sa dating Kapuso series na "The World Between Us," na kasama sina Alden Richards at Jasmine Curtis Smith.

Ayon kay Kelley, napakabait na tao ni Tom pero hindi sila masyadong naging close habang ginagawa ang series kumpara sa iba niyang katrabaho at mas madalas na kaeksena niya.

Hindi naman itinanggi ni Kelley na sina Tommy Esguerra at Iñigo Pascual, ang kaniyang mga naging ex-boyfriend.

Sa ngayon, mayroon espesyal na lalaki na nagpapasaya kay Kelley pero hindi raw ito taga-showbiz.

Inihayag rin ng aktres, na may nakausap siyang malapit kina Carla at Tom, at nagsabing wala siyang kinalaman sa isyu ng mag-asawa.

Nagpadala rin umano sa kaniya ng mensahe si Tom tungkol sa naturang isyu.

Mula nang may mapansin ng followers nina Tom at Carla tungkol sa kanilang posts sa Instagram, wala pa ring opisyal na pahayag na inilalabas ang mag-asawa tungkol sa estado ng kanilang pagsasama.

--FRJ, GMA News