Nabiktima ng basag kotse gang ang aktor na si Gerald Anderson sa Quezon City.

Nangyari ang krimen sa Roces Avenue, ayon sa ulat ni John Consulta sa Unang Balita nitong Lunes.

Sa kuha ng CCTV, makikitang may dalawang motorsiklo na dumating malapit sa SUV na naka-park sa harap ng isang establisimyento lampas alas-singko ng hapon.

Bumaba ang back rider ng isang motor at sinilip nito ang bintana ng itim na SUV.

Tinanggal nito ang kanyang helmet, binasag ang kaliwang bintana, at dali-daling kinuha ang isang bag.

Sumakay na ang suspek sa motor, ngunit nang mapansin nilang walang lumabas sa establisimyento ay muling bumaba ang back rider.

Bumalik siya sa SUV at kinuha naman ang isa pang bag na nasa unahang upuan ng sasakyan.

Agad umalis ang suspek sakay ng motor at sinundan sila ng isa pang lalaking naka-motor na nagsilbing lookout.

Sa pag-iimbestiga ng National Bureau of Investigation-Special Action Unit (NBI SAU), natunton ang isa sa mga suspek.

"Sa aming pag-iimbestiga, naka-receive kami ng information na 'yung mga motor na ginamit ay na-identify sa isang Tondo-based na basag kotse group. Nagkaroon kami ng surveillance and casing operations hanggang natunton namin 'yung bahay ng isa sa mga napuntahan ng gamit ni Gerald Anderson," ani NBI SAU Executive Officer Attorney Kristine dela Cruz.

Sumuko sa NBI SAU ang suspek na si John Allen Dancel alias Elong na umaming siya ang bumasag sa salamin ng SUV at tumangay sa mga gamit ng aktor.

Narekober ng mga awtoridad sa suspek ang isang mamahaling bag, dalawang relos at mga gadgets.

Hindi pa narerekober ang isang wallet, mga ID, at pasaporte.

Ayon sa suspek, hindi nila sinadya na targetin ang SUV ni Anderson.

"Naghahanap po kami ng madidiskartehan ng pera. Hindi po namin sadya na makita 'yung sasakyan ni sir Gerald Anderson po. Ta's noong sinilip ko po, may laman po 'yon. Kinuha ko po," kuwento ng suspek sa panayam sa GMA News.

Mahigit P20,000 daw ang halaga ng mga nakuha nila, ayon sa supek.

Ayon naman sa NBI SAU, dati nang sangkot sa robbery ang grupo ng suspek.

"Itong mga taong ito ay may mga previous cases. Nakulong na rin sila dati at may mga pending cases for the same modus, robbery," ani dela Cruz.

Nagpasalamat naman si Anderson sa mga awtoridad.

"Gusto ko pong gamitin ang pagkakataon na ito para magpasalamat po sa NBI lalo na po Special Action Unit. Sobrang salamat po sa dedication, sa perseverance at patience para ho mahanap natin po 'yung mga gumawa ng krimen na ito sa basag kotse na ginawa po sa aking sasakyan," aniya.

Patuloy namang hinahanap ng mga awtoridad ang dalawa pang suspek na kinilala na ng sumukong suspek. —KG, GMA News