Aminado si "First Yaya" at ngayon ay "First Lady" star Sanya Lopez na mas challenging ang pagganap niya sa malaking transition ng kaniyang karakter na si "Melody."

Sa Chika Minute report ni Nelson Canlas sa GMA News "24 Oras" nitong Lunes, sinabi ni Sanya, na medyo pinag-aaralan pa niya ang role niyang First Lady, hindi tulad ng karakter niyang yaya sa "First Yaya."

Kumuha pa raw ng political adviser ang produkyon ng teleserye para magturo sa set ng proper decorum ng isang first lady, at maging makatotohanan ang pagganap maging ng iba pang mga karakter.

Ang leading man ni Sanya na si Gabby Concepcion, sinabing hindi nila inasahan na magkakaroon ng Book 2 ang First Yaya, at magiging First Lady na.

Madagdag sa karakter sa First Lady si Alice Dixson na gaganap na abogado at dating love interest ng karakter ni Gabby na si President Acosta.

Makakasama rin si Rocco Nacino, na dating nakatrabaho ni Sanya sa Encantadia.

Mapapanood ang "First Lady" sa GMA simula sa Pebrero 14. --FRJ, GMA News