Kahit matagal nang hiwalay ang dating mag-asawa na si Ricky Davao at Jackie Lou Blanco, masaya silang muling magkasama at magkatrabaho sa katatapos lang na mini-series na "I Can See You: AlterNate."
Sa programang At Home with GMA Regional TV, ikinuwento ni Jackie Lou ang naging reaksyon niya nang ialok ang proyekto at malaman na kasama niya si Ricky.
"When I got the offer to do this I was very excited because alam kong maganda yung material. Pero sabi ko sa mga anak ko, 'Ok lang kaya sa dad [Ricky] niyo na magkatrabaho kami?'" anang aktres.
"And then they said, "No mommy he accepted it na.' Ah talaga, 'di sabi ko, ok mas maganda di ba," patuloy niya.
Manghihinayang daw si Jackie Lou kung hindi matuloy ang proyekto dahil nakita niyang maganda ang kuwento at cast members, na pinangunahan ni Dingdong Dantes, na gumanap sa role na kambal.
Ipinaliwanag naman ni Ricky na bilang mga aktor ay materyales o script muna ang kanilang inaalam at sino ang direktor.
"Kasi kami naman actors usually first we really based everything sa material. And then who's directing it, sinong makakasama mo. Nung binanggit lahat, nabasa ko yung script tapos binanggit lahat ng actors, wow sabi ko perfect," kuwento niya.
Ayon kay Jackie Lou, naging aral sa kuwento ng "AlterNate" bilang isang magulang, na hindi dapat magdidikta sa anak kung anong landas ang nais nitong tahakin.
Bagaman maaari umanong magbigay ng payo ang mga magulang, sa huli ang anak ang magpapasya kung ano ang buhay na nais nitong tahakin.
Para naman kay Ricky, sinabi niya na batay sa kaniyang karakter na isang mayor, sinabi ng aktor na natutunan niya na hindi maaaring magdikta ang isang tao kahit pa makapangyarihan.
Idinagdag din ng aktor na dapat matutong magparaya at magbigay ng pagkakataon sa iba.
Nagpasalamat din ang dalawa sa lahat ng tumutok sa "AlterNate." --FRJ, GMA News