Hindi napigilan ni Kim Domingo na maiyak nang awitin ang ginawa niyang kanta para sa namayapang kaibigan noong 2020.

Sa kaniyang Instagram video, makikita ang Kapuso actress na nagpapahid ng luha matapos na ipasilip ang tila pag-practice nila ng kanta kasama ang ilang kaibigan.

Iyon din umano ang unang pagkakataon na inawit niya ang kantang ginawa niya para sa kaibigang si Angelo Fango.

"Iba pala kapag kinakanta mo na siya nang buo," sabi ni Kim sa video. "Feeling ko kapag pinerform ko siya nang live, ganun din maiiyak siguro ako."

Sa caption naman ng video sinabi ni Kim na, "It really feels different when you do or sing something that comes straight from your heart."

 

 

"To the person who served as my inspiration to write this song. I would like to say thank you at sana nakangiti ka d'yan. Para sa 'yo 'to. [I hope you are smiling over there. This is for you.] Love you," dagdag niya.

Pumanaw si Angelo matapos ang pakikipaglaban sa karamdaman sa baga.

Una rito, sinabi ni Kim na isa sa mga pangarap niya ay magawa ng kaniyang sariling kanta.

—FRJ, GMA News