Ikinuwento ni Jo Berry na wala sa isip niya noon na maging artista dahil ang pangarap niya ay maging abogado para maging inspirasyon sa iba.

Sa video ng Kapuso Insider, sinabi ng "Little Princess" star na napasok siya sa showbiz dahil sa pang-aasar ng kapatid.

Ayon kay Jo, may nakita silang post sa Facebook page na naghahanap ang programang "Magpakailanman" ng mga puwedeng mag-audition na little people para sa isang episode.

Patuloy pa ng aktres, inasar siya ng kapatid na puwede sana siyang mag-audition maliban sa qualification na nakasaad na dapat "with pleasing personality."

Dahil sa pag-aasar ng kapatid at sa kagustuhan din na maranasan ang mag-audition, nagpunta si Jo sa GMA at nag-audition, at iyon na ang nagbukas ng kaniyang showbiz career.

"Yung dream ko talaga ever since bata ako was to be a lawyer," ani Jo, sabay sabi na wala siyang balak noon na umarte talaga sa harap ng camera.

Bagaman hindi natuloy ang pangarap niyang maging abogado, nagpapasalamat pa rin si Jo dahil nagawa pa rin niyang maging daan upang maging inspirasyon sa iba dahil sa pagkakapasok niya sa showbiz. Bukod doon, nais niyang mabago ang pagtingin ng iba sa mga little people na katulad niya.

Paliwanag niya, hindi karaniwang role na nakakatawa lang ang ibinibigay sa kaniyang project ng GMA.

"Hindi siya yung nakakatawa lang. Makikita mong nirerespeto yung role, nirerespeto yung character na ginagampanan mo," aniya. "Lagi siyang strong woman, strong little person [character]."

Sabi rin ni Jo na nang pumasok na siya sa showbiz, hindi lang ang sarili niya ang kaniyang kinakatawan kung hindi halos lahat na rin ng little people na katulad niya. -- FRJ, GMA News