Sa birthday celebration ni Super Tekla sa programa nila ni Boobay, nilinaw ng komedyante ang dahilan kung bakit umalis sa poder niya ang panganay na anak na si Aira na umuwi muli sa Bacolod.
Sa pamamagitan ng tawag, binati ni Aira ang kaniyang ama at sinabing mahal na mahal niya ito kahit pa bumalik siya sa Bacolod kapiling ang kaniyang lola.
"Hindi porke umalis ako diyan hindi na kita mahal," sabi ni Aira sa The Boobay and Tekla Show. "Mahal na mahal kita daddy. Kailangan ko lang umalis [para] 'di na rin ako makaabala sa trabaho mo."
Nais daw ni Aira na makapag-concentrate ang kaniyang ama sa trabaho at hindi nag-aalala sa kaniya.
Tiniyak niyang maganda at ligtas ang kalagayan niya sa piling ng kaniyang lola at mga pinsan.
"Magkikita rin tayo soon, daddy," sabi niya.
Paliwanag ni Tekla, na-culture shock ang 12-anyos niyang anak nang kunin niya ito sa probinsiya at dinala sa Maynila para magkasama na silang mag-ama.
Gayunman, naunawaan ni Tekla na nabigla ang bata sa biglang pagbabago sa paligid nito at malayo sa mga kaibigan.
Inakala raw ni Tekla noon na makakapag-adjust ang kaniyang anak. Pero ngayon, tanggap niya na mas magiging maganda para kay Aira na manatili muna sa Bacolod sa piling ng kaniyang lola at doon mag-aral.
Gayunman, hiniling ng komedyante sa anak na huwag mag-aatubiling tawagan siya kapag may kailangan o problema.
'Nak hindi kita inoobliga na pahalagahan mo ako, just ano lang, connect lang sa akin. Kung anong problema mo, nandito lang ako. Just chat me," sabi ni Tekla.
Kasabay nito, inihayag din ni Tekla ang hangarin na bumuti ang kalagayan ng bunso niyang anak na si Angelo.
"Magiging kampante lang ako at masaya ako na parang makakatulog akong maayos kapag nakikita ko yong anak kong stable at maayos...si Angelo," ani Tekla.
--FRJ, GMA News