Nagbigay ng update si Drew Arellano sa "Casa Arellano" kaugnay sa pagpopositibo nila ni Iya Villania at mga anak sa COVID-19.
Sa Instagram, nag-post ng larawan si Drew na makikita si Iya at mga anak nilang sina Primo, Leon, at Alana habang nakahiga sa sofa.
"Quarantine Quddles. Everyone almost 100%. Duday 100% tulog," saad ni Drew sa caption na may laughing emoji at may hashtag na, "Face Plant Tulog."
Una rito, nag-post na ng video ang buntis na si Iya na naisisingit na niya ang pag-e-ehersisyo kapag may libreng oras sa pag-aalaga sa mga anak.
Kabilang sina Drew at Iya, sa maraming pamilya ang nagkahawahan sa sakit sa harap ng tumataas na bilang ng mga nagpopositibo sa COVID-19.
Mula nang unang mag-positibo sina Drew at Iya, nagbigay na sila ng update sa kanilang laban sa COVID-19, at umasang hindi sana mahawahan ang kanilang mga anak habang naka-isolate sila sa ibang kuwarto.
Pero pagkaraan lang ng ilang araw, magkakasunod na rin nagkaroon ng sintomas ng sakit ang tatlong bata tulad ng lagnat.
Ibinahagi nila ang kanilang karanasan para mabigyan din ng kaalaman ang ibang pamilya sa harap na rin na mataas na kaso ng COVID-19.
Kabilang din sa pamilya ng celebrities na tinamaan ng sakit ay sina Vin Abrenica at Sophie Albert, at ang 10-buwang-gulang nilang anak; gayundin ang pamilya ni Ina Raymundo, at mag-asawang Aga Muhlach at Charlene Gonzales. —FRJ, GMA News.