Sa pag-renew ng kontrata ng "Eat Bulaga" sa GMA Network, asahan ang mga bagong pakulo ng programa na layuning makatulong sa mga tao. Ang "Henyo Master" na si Joey de Leon, may naiisip na ilalagay sa theme song ng show.
Sa panayam ng Kapuso Showbiz News, sinabi ni Sen. Tito Sotto na isa sa katangian ng "Eat Bulaga" kaya tumagal ay ang kakayahan nito na sumabay sa panahon kahit ngayon na may pandemic.
Kaya naman daw na asahan na kung magkakaroon ng mga bago sa programa ay tiyak na makapagbibigay ito ng aliw at kapaki-pakibang sa mga tao.
Sinabi naman ni Vic Sotto na paiigtingin pa nila ang bayanihan at pagtutulungan ng mga tao.
"Sabi nga ni Tito Sen it is a public service program masquerading as an entertainment show," ayon kay Vic.
"During this times kailangang kailangan ng ating bayan ng bayanihan, totoong bayanihan," dagdag niya.
Samantala, pabiro namang sinabi ni Joey na hindi na variety kung hindi isang "variant-nity" show ang "Eat Bulaga."
Dahil sa iba na rin daw ang panahon ngayon, sinabi ni Joey na naisip niyang palitan ang ilang liriko ng theme song ng programa.
"Sina Tito, Vic at Joey... at ang buong APT
Sa inyo ay nagpupugay
Salamat nang habambuhay
Buong mundo na may Filipino
Sa tuwa't saya sama sama tayo
Sa pagsulong at pag-asa
Nariyan kami...E at Bulaga!
Inihayag din ni Joey na asahan na mas malawak pa ang pagbabagong hinahanap sa "Eat Bulaga," na hindi lang sa mga kontes kung hindi maging sa pagtulong at pagsusulong ng pag-asa.
--FRJ, GMA News