Inihayag ni Marian Rivera na bukas siyang makatrabaho ang mga foreign actor matapos siyang maging hurado sa Miss Universe. 

"Oo naman, why not? Ang problema lang diyan ay kailan?" sabi ni Marian sa Chika Minute report ni Aubrey Carampel sa GMA News "24 Oras" nitong Martes.

"Dahil hindi ko na kayang iwan ang mga anak ko 'di ba? So let's see," dagdag ng Kapuso Primetime Queen.

Willing pa rin aniya si Marian na gumawa ng isang international project pero kondisyon.

"Oo, isasama ko uli si Dong (Dingdong Dantes)," biro niya.

Matatandaang bago nito, inilahad ng Thai heartthrob na si Nonkul Chanon sa isang online press conference para sa kanilang online fan meeting na gusto niyang makatrabaho si Marian.

"If I have a chance to work with actress or actor, it would be Marian Rivera. I saw some of her work and I think I really like her acting," sabi ni Nonkul.

Sa kaniyang Instagram, nag-post si Marian ng kanilang family picture kasama sina Dingdong, at mga anak nilang sina Zia at Sixto.

Nag-beach get-away ang pamilya Dantes matapos ang Pasko, kung saan nag-post din si Marian ng video ng mag-amang Dong at Sixto, at ng larawan nila ni Zia.

Makikita rin sa throwback pick ni Marian sa kaniyang IG story na kamukhang kamukha niya si Sixto.

Mapanonood muli ang "DonYan" sa GMA News and Public Affairs year end special na Year of the Superhero sa unang araw ng 2022.

Bibigyan nila ng tribute ang mga bayani ng nagdaang taon.-- Jamil Santos/FRJ, GMA News