Inamin ng Oscar-nominated actor na si James Franco na sinipingan niya noon ang ilang estudyante niya sa kaniyang dating acting school.  Aminado rin ang aktor na mali ang kaniyang ginawa.

Sa ulat ng Reuters, sinabing ang pag-amin ay bahagi ng  The Jess Cagle Podcast na isinapubliko nitong Miyerkules.

Ayon sa 43-anyos na si James, nakaranas siya noon ng sex addiction makaraang paglabanan ang alcohol addiction.

Sinabi ng aktor na mali ang kaniyang ginawa sa mga estudyante. Hindi raw niya binuksan ang acting school noon para tuksuhin ang mga babae at makipagsiping.

"I suppose at the time, my thinking was if it's consensual, okay," dagdag pa niya sa SiriusXM podcast. "At the time I was not clearheaded."

Apat na taon na ang nakalilipas nang unang magkomento si James tungkol sa alegasyon laban sa kaniya. Iniulat noon ng Los Angeles Times na limang babae ang nag-akusa sa aktor na may ginawa sa kanila si James na hindi kanais-nais.

Noong October 2019, dalawang babae ang naghain ng civil suit laban sa akotr. Inakusahan nila si James ng pagsasamantala sa mga aspiring actor sa eskwelahan nito.

Sa dokumento sa Los Angeles Superior Court, nakasaad na pumayag ang aktor na magbayad ng $2.2 milyon kaugnay sa naturang civil lawsuit.

Ayon kay James, nagkaroon siya ng sex addiction nang labanan niya ang kaniyang alcohol addiction.

"It's such a powerful drug," sabi ni James. "I got hooked on it for 20 more years. The insidious part of that is that I stayed sober from alcohol all that time."

Sa podcast interview, sinabi ni Franco na gumaling na siya sa sex addiction mula pa noong 2016, at sinisikap niyang baguhin ang dating sarili.

"I didn't want to hurt people," ayon sa aktor. —Reuters/FRJ, GMA News