Ibinahagi ng mag-asawang Carmina Villarroel at Zoren Legaspi kung papaano nagsimula ang kanilang relasyon. Pag-amin ng dalawa, walang ligawan na nangyari sa kanila.
Sa press con ng "Stories From the Heart: The End Of Us," na pagbibidahan nila, sinabi ni Zoren ang dahilan kaya hindi nila niligawan si Carmina.
"Hindi talaga ako nanliligaw. Hindi ako naniniwala sa courting stage. I think that's a very fake stage. You should be friends," paliwanag ni Zoren.
Pero kahit walang ligawan na nangyari, sinabi ni Carmina na humingi siya ng "signs" kung si Zoren na nga ba ang para sa kaniya.
"Humingi ako ng tatlong signs. Hiningi ko talaga na 'pag sumakay ako sa car niya, sabi ko sana kantahan niya ako ng 'You Look Wonderful Tonight.' Alam naman nating lahat 'di siya kumakanta," sabi ng aktres.
At nang sumakay si Carmina, tinutugtog sa sasakyan ang naturang kanta.
"Hindi ko alam kung sinadya niya 'yon or tumugma lang," ayon kay Carmina. "Those signs hindi ko hinihingi 'yun on one night, the signs if he's really the one."
Isa pang sign na hiningi ng aktres ay ang pagbuhat ni Zoren sa kaniyang gamit.
Sa isang night out, sinabi ni Carmina na kinuha ni Zoren ang kaniyang bag.
Isa pang sign para kay Carmina ay ang ginawang pagbili sa kaniya ni Zoren ng eyeshodow, makeup at nail polish nang magpunta ang aktor sa Japan.
Tinanong umano ni Zoren kung ano ang gusto ni Carmina dahil pupunta siya sa Japan. Kaya hiniling ng aktres na ibili siya sa Shu Uemura.
"Di ko naman inexpect na bibilhan niya ako but when they got home from Japan binilhan niya ako ng eyeshodow, nail polish. I was so amazed. Not all guys would do that," ani Carmina.
Ayon kay Zoren, wala siyang kaalam-alam noon tungkol sa Shu Eumura.
"If you really like a girl, bibigay mo mga bagay na gusto niya," sambit ni Zoren.
Kung papaano naging sila, natatawang kuwento ni Zoren, "Hinalikan kita sa pintuan mo, napaupo ka pa nga eh. Na walang sabi-sabi 'yon, bigla mo na lang siyang hahalikan. So hinalikan ko siya, napaupo siya. Sabi ko, 'Ah baka kami na."
Pangungunahan nina Carmina at Zoren ang episode na Stories From the Heart: The End of Us, na tungkol sa mag-asawang mahaharap sa pagsubok ang pagsasama.
Mapapanood ito simula sa December 20. —FRJ, GMA News