Ipinakita ni Vitto Marquez ang naging reaksiyon niya nang mapanood ang mga sexy movies noon ng kaniyang ina na si Alma Moreno.

Sa "Tough-patan" segment ng "Mars Pa More," nagbatuhan ng tig-apat na tanong ang mag-ina sa isa't isa.

Kabilang sa itinanong ni Alma sa anak ay kung may napanood na siyang sexy movie noon ng ina at ano ang kaniyang naging reaksiyon.

"Ito oh (nanlaki ang mata), ganoon. 'Ganiyan pala si ma noon,'" natatawang sabi ni Vitto.

Tinanong naman ni Vitto ang kaniyang ina kung papayagan naman siyang gumanap sa isang sexy role.

"Okay lang, basta maganda ang istorya, kailangan ng story," sabi ni Alma sa anak.

Inihayag din ni Vitto na lagi raw siyang nakikialam pagdating sa love life ng kaniyang ina.

"Hindi ko alam, parang lumalabas 'yung pagiging defensive ko sa nanay ko. Siyempre nandiyan sina Kuya Vandolph, sina Kuya Yeoj, lagi nilang sinasabi sa akin na 'Hayaan mo si mama, basta masaya siya. Kung malungkot siya, andito tayo,'" kuwento ni Vitto.

Ayon kay Vitto, may mga pagkakataong hindi niya tipo ang napupusuan ng kaniyang ina, pero nangingibabaw pa rin ang pagsuporta niya rito.

"Parang, ayoko, pero sige na nga," ani Vitto. "We're here [for her.]"

"Kasi ang mga anak ko, lagi nilang sinasabi 'Sige lang mama, importante maging masaya ka. Pero ipangako mo sa amin huwag na huwag kang luluha,'" kuwento ni Alma sa kaniyang mga anak.

Sinabi rin ni Alma na ang maliitin ang ibang tao na naranasan niya noon ang ayaw niyang maranasan ng kaniyang mga anak.

Pero ano kaya ang kontrobersiya na kinasangkutan noon ni Alma na pinaka-naapektuhan ang anak at marami siyang nakaaway? Alamin ang sagot ni Vitto sa video.

--FRJ, GMA News