Ibinahagi nina Michael V. at Caesar Cosme ang mga pagsubok sa patuloy na paggawa nila ng longest running gag show sa bansa na "Bubble Gang" sa panahong ng COVID-19 pandemic.
Sa "The Howie Severino Podcast,” naging panauhin sina Michael V. o Bitoy at ang writer-director na si Caesar Cosme, na kabilang sa mga nasa likod ng “Bubble Gang” na nagdiriwang ngayon ng ika-25 taong anibersaryo.
“Mahirap magpatawa ng naka-face shield,” ayon kay Caesar.
“Let’s do a way, reminding the people of presenting this material about COVID and the pandemic and let’s just have fun. How can you? Right into your faces, naka-face shield sila," patuloy niya.
Ayon pa kay Caesar, kailangan nilang maging sensitive sa materyales dahil hindi niya nakikita ang kaniyang audience hindi gaya noon.
“Ano ’yung nararamdaman nu’ng ini-imagine kong kinakusap sa TV screen? Dati kasi I practice riding the bus, public transpo, nagta-tricycle ka kahit once a month para sabi ko makita ko at maamoy ko ’yung aking mga kinakausap. Hindi ko siya magawa,” paliwanag niya.
Inihayag naman ni Michael V na marami silang materyales tungkol sa pandemic pero hindi nila puwedeng gamitin lahat dahil iniisip nilang kailangan pa rin nilang sentibo sa nararamdaman ng iba.
“You have to be sensitive about, sensible about the sensitivities nu’ng audience mo. Mayroon pa ring fine line between nakakatawa at nakaka-offend. And as much as mahirap siyang ma-determine, it’s always best to just play it safe. Kung ipu-push mo man, make sure na malayo ka pa roon sa boundaries,” ayon kay Bitoy.
Inihayag din ni Bitoy na nagsisilbing inspirasyon sa kaniya ang pagiging COVID-19 survivor para magpatuloy sa "Bubble Gang."
“Kasi nu’ng nagka-COVID nga ako, parang feeling ko mamamatay na ako, e. And I know a lot of people na nawala na and ’yung desire nila to stay longer pa sana kaya lang hindi na nga mangyari dahil du'n sa pandemya. So parang gusto ko na lang magpasaya ng tao kasi parang magiging masaya ako when I do that, e, when I make people smile, when I make them laugh,” saad niya.
“Ang thrust ko talaga, ang driving force ko ngayon is to make people happy. So kagaya nu’ng sinabi ko kanina, ’yung secret formula ng Bubble Gang staying power—’yung relevance and ’yung humor. ’Yun na lang. Basta maging relevant ka ru’n sa mga pagpapatawa mo, I’m pretty sure ma-appreciate ng mga taong nanonood sa ’yo,” patuloy ni Bitoy.– FRJ, GMA News