Inilahad ng businessman at "Lord of Scents" na si Joel Cruz ang pagsubok na dinaanan ng kaniyang pamilya nang magpositibo siya at ang tatlo niyang anak sa COVID-19 Setyembre ng nakaraang taon.
"It was a severe case. Tapos 'yung assistant ko rin, nag-positive rin siya pero mild," sabi ni Joel sa "Tunay Na Buhay."
"Mahirap din magkaroon ng COVID kasi mahihirapan kang huminga. Ewan ko kung paano ko nakuha 'yon," pagpapatuloy ni Joel.
Hindi naitago ni Joel ang kaniyang pag-aalala nang panandalian siyang mawalay sa kaniyang mga anak.
"In fact, three kids nagkaroon din pero mild lang. Dito lang sila sa house, isolated lang sila. Kaya I really miss my kids that time. Gusto kong maiyak, gusto ko silang yakapin.
"'Yun ang disadvantage at hirap. Kaya kailangan talaga tayong mag-ingat, proteksyunan natin ang sarili natin na huwag tayong magkasakit ng COVID," paalala ni Joel sa publiko.
Sa ngayon, tumutulong si Joel at ang kaniyang mga anak sa mga nangangailangan ngayong may pandemya sa pamamagitan ng pag-donate ng mga damit, laruan at alcohol.
Balikan ang pagsisimula ni Joel sa negosyo ng mga damit noong 80s at 90s, hanggang sa tumuloy siya sa perfume business at ngayo'y nasa food business na. — Jamil Santos/VBL, GMA News