Sa "Tunay Na Buhay," binalikan ng mga dalaga na ngayong sina Ella Cruz at Nicole Dulalia ang pagganap nila bilang ang mga batang sina Tin-tin at Sha-Sha sa "Super Twins." Posible kayang magkaroon ng remake at sila na ang pumalit kina Jennylyn Mercado at Nadine Samonte?

"Actually favorite ko pong mga eksenang ginagawa 'yung ganiyang [action] scenes... Kasi po mahina lang naman po kami, bata lang kami so madadapa-dapa ako, madudulas, tapos siyempre ipa-practice namin nang totoo na kaya na namin," sabi ni Nicole.

"Actually bago kami mag-take, tinuturuan na rin po kami ng mga stuntman, stunt director sa gagawin. Kung madapa okay lang kasi 'yun po 'yung part ng eksena," sabi naman ni Ella.

Para kina Ella ay Nicole, mas madaling umiyak sa mga eksena noong mga bata pa sila.

"Kasi po diyan bata kami na lagi kaming kinakawawa or what. Feel na feel ko po noon na kawawa ako," sabi ni Nicole.

"Ang sa akin kasi kapag sinabing iiyak, iiyak talaga ako. Pero ngayon na nakaiintindi na tayo ng emotions, iba na 'yung huhugutin sa pag-acting. Sasabihin nila ang bata, push the botton lang 'yan," sabi ni Ella.

Naging emosyonal naman sina Ella at Nicole nang sorpresahin sila ng direktor ng Super Twins na si Dominic Zapata, na para na rin nilang naging tatay-tatayan.

"Alam niyo, ang sarap pangarapin, pero sana magkaroon ng Super Twins na remake. Tapos sana kayo na ang grown-ups, kayo na 'yung papalit kina Nadine Samonte at Jennylyn Mercado. Tapos meron na tayong bagong maliliit at may bago na kayong ime-mentor. That would be a great project. I would love to see you guys doing that," mensahe ni Direk Dom kina Ella at Nicole.

Panoorin sa video ang buong panayam kina Ella at Nicole.

 

—LBG, GMA News