Sinabi ng bagong kasal na sina Carla Abellana at Tom Rodriguez na handa na silang magkaroon ng baby.

Sa Chika Minute report ni Aubrey Carampel sa GMA News “24 Oras” nitong Huwebes, sinabi ng mag-asawa na plano nilang bumiyahe sa ibang bansa sa susunod na tao pagkatapos ng kanilang mga proyektong “To Have and To Hold” at “The World Between Us.”

“We honestly don’t want to delay anymore,” ani Carla. “Isa rin ’yun of course sa reasons talaga kung bakit gusto na rin naming magpakasal.”

Sa kanilang kauna-unahang interview matapos ikasal, inihayag ng mag-asawa ang kanilang kasiyahan na naikasal na sila sakabila ng nararanasang pandemic.

“We’re happy that we’re finally married, may blessing na kami formally,” anang aktres.

“Hindi wedding ’yung end goal, hindi ’yun ’yung finish line. It’s actually the start of another race. Sabi ko nga, I’ve been looking forward to the marriage, not the wedding,” ani Tom.

Naganap ang kasal nina Carla at Tom sa isang church ceremony sa Tagaytay noong Oct. 23. – FRJ, GMA News