Muling mapapanood sa telebisyon ang dating child star na si Maybelyn dela Cruz matapos ang halos 10 taon na pamamahinga sa showbiz.

Sa Chika Minute report ni Lhar Santiago sa GMA News “24 Oras,” sinabing mapapanood si Maybelyn sa isang episode ng "Wish Ko Lang”

Taong 2013 nang huling gumanap sa isang acting project ang aktres sa GMA-7 series na “Anna Karenina.”

Sa upcoming “Wish Ko Lang” episode na “Aksidente,” makakasama ni Maybelyn sina Gabby Eigenmann, Bryce Eusebio, at Irma Adlawan.

Kahit matagal na nagpahinga sa showbiz, sinabi ni Maybelyn na hindi naman naging mahirap sa kaniya ang mag-adjust dahil na rin sa tulong ng kaniyang mga katrabaho.

“I’m just grateful kasi after a long time, yung set ng ‘Wish Ko Lang,’ ’yung una kong show na nakapag-act ako, sobrang bait po ng mga tao,” saad niya.

Sa naturang episode ng "Wish Ko Lang," gagampanan ni Maybelyn ang role ng isang babae na iibig sa anak ng kaniyang boss.

Tatalakayin din dito ang iba pang usapin sa pamilya tulad ng financial problem. – FRJ, GMA News