Sinampahan na ng Mandaluyong Police ng reklamong reckless imprudence resulting to damage to property at disobedience to person in authority sa prosecutor's office ang aktor na si Jake Cuenca.
Sa ulat ng GTV "Balitanghali" nitong Lunes, sinabing ang reklamo laban kay Jake ay bunga ng pagbangga umano ng aktor sa sasakyan ng mga pulis at pagtakbo nito sakay ng SUV.
Sa ulat naman ni Mark Makalalad sa Super Radyo dzBB, itinanggi ni Mandaluyong police chief Police Colonel Mel Unos, na nagkaroon ng aregluhan kaya nakalaya umano ang aktor nitong Linggo.
Ayon kay Eastern Police District (EPD) director Police Brigadier General Matthew Bacay, hindi tumigil ang sasakyan ni Jake nang mabangga nito ang sasakyan ng mga pulis.
Nagkaroon ng habulan na umabot sa Shaw Boulevard, Pasig City.
Pinaputukan ng mga pulis ang gulong ng sasakyan ng aktor.
Isa delivery rider ang tinamaan ng ligaw na bala na patuloy na nagpapagaling sa ospital.
Una rito, binatikos ng ama ni Jake ang paraan ng paghuli ng mga pulis sa aktor na para umanong kriminal.
Ayon pa sa ama, hindi raw nakilala agad ni Cuenca na pulis ang mga humahabol sa kaniya. Natakot din umano ang aktor kaya ito hindi tumigil kaagad.—FRJ, GMA News