Isiniwalat ni Miss Universe Philippines 2020 ang Rabiya Mateo ang dahilan kaya hindi niya kinukunan ng larawan ang kaniyang kamay.
Sa panayam ng GMA News "Unang Hirit," inamin ni Rabiya na insecure siya noon dahil sa kaniyang daliri sa kamay na may paka-baluktot, o kung tawagin ay "swan-neck" deformity.
"Hindi talaga siya straight," paglalahad ni Rabiya.
"So I'm having trouble minsan sa mga beauty shots na kailangan ang kamay kasi ang tigas-tigas niya. Hindi siya nakakaganda," dagdag pa niya.
Ayon sa WebMD, ang swan-neck deformity ay "when the joint closest to the end of your finger pulls the fingertip downward. At the same time, the middle joint dips down to resemble a bird’s long neck."
Ipinaliwanag naman sa MSD Manuals na rheumatoid arthritis, isang autoimmune disease, ang karaniwang dahilan ng swan-neck deformity.
Kasabay nito, ibinahagi rin ni Rabiya ang mga nakakatawa niyang karanasan sa pagsali sa pageant. Kabilang na rito ang coronation night nitong nakaraang linggo sa Miss Universe Philippines kung saan nadulas at nadapa siya.
"Aminado ko talaga, lampa po talaga ako," sabi ni Rabiya .
"So, during that time, natapakan ko 'yung gown ko, tapos dumire-diretso ako, and that time, si MJ Lastimosa, she was sitting in front so dun sa may stand kung san ako nadapa and I heart her saying 'oh-oh-oh!,” natatawang niyang kuwento.
Hindi na raw bago kay Rabiya "beauty-fall" moment dahil sa pagiging clumsy niya.
"It happens all the time talaga," ani Rabiya. "Kasi, for me, it's not a big deal kasi, minsan nga, kahit naka-tsinelas ako, nadadapa ako."
Matatandaan na nahulog din sa swimming pool si Rabiya sa Miss Universe photo shoot. — FRJ, GMA News