Bilang isang ina, nagbigay ng payo si Bing Loyzaga kung paano pa mapabubuti ng mga magulang ang relasyon nila sa kanilang mga anak, at ano ang gagawin ng mga anak para makuha ang loob ng kanilang mga magulang.

"Gusto ko rin ipaalala sa mga magulang na it's okay to approach humbly. Puwede mo namang kausapin ang mga anak niyo na hindi galit," sabi ni Bing sa At Home with GMA Regional TV.

Tungkol naman sa mga anak, sinabi ni Bing na walang ibang hinangad ang mga magulang kundi ang kanilang kabutihan.

"And also for the children. Your parents mean well. Minsan lang hindi kami marunong makipag-usap," anang aktres.

Hinikayat ni Bing na huwag mahiya ang mga anak na kausapin ang kanilang mga magulang tungkol sa kanilang mga buhay.

"Pero huwag kayong matakot makipag-usap sa amin kasi once na makuha niyo kung paano kami kakausapin, kami ang ka-partner niyo habang buhay, kahit na buhay namin ang ibigay namin sa inyo, gagawin at gagawin namin," ani Bing.

Gumaganap si Bing bilang si Stella Villareal, ang ina ng karakter ni Kelvin Miranda na si Marcus sa mini-series na "Loving Miss Bridgette" ng Stories From The Heart.

Si Stella [Villareal] kasi, ang similarity ko kay Stella is of course, very protective, pero medyo OA lang si Stella nang very, very mild," ayon kay Bing.

"At saka of course, Stella experienced an uncommon situation. Pero as a mother, siyempre na-experience ko rin 'yung magkakaroon ng partner 'yung mga anak ko. Pero si Stella, 'yung naging girlfriend ng anak niya, older.Kaya naiintindihan ko kung bakit mas protective si Stella," pagpapatuloy pa niya.

Si Marcus ay isang estudyante na mahuhulog ang loob sa guidance counselor ng paaralan na si Bridgette de Leon, na ginagampanan ni Beauty Gonzalez.

"I think all mothers naman, not just me, we are every protective with our children. We really try to fit and have the heart in most of the situations ng buhay," sabi ni Bing. --FRJ, GMA News