Sa Kapuso series na "Las Hermanas," gaganap na middle child si Thea Tolentino na hindi na masyadong napapansin at napakikinggan sa pamilya. Kaya naman may payo siya sa mga middle child sa totoong buhay.
"Usually kahit sa totoong buhay ang mga middle child, hindi sila usually 'yung napapakinggan ng mga magulang. Ang focus madalas ng mga magulang is nasa panganay or nasa bunso," paliwanag ni Thea sa panayam sa kaniya sa GMA Regional TV Early Edition.
Panganay si Thea sa totoong buhay, pero naobserbahan niya ang ugali ng kapatid niya na middle child.
"Napansin ko rin talaga na madalas sa kanila ang kinikimkim ang emosyon," saad niya.
Payo ni Thea: "Ang advice ko is huwag hayaan ang sarili na ipunin lahat kasi aabot din sa point na sasabog kayo and kayo rin 'yung masasaktan. Kaya mas okay din talaga na makahanap ka ng outlet, or unti-unti na maging open kahit sa family kahit mahirap."
"Kasi 'pag nag-assume tayo tapos nagiging malala siya... pero 'pag in-open pala natin, mari-realize natin na, hindi pala ganu'n kalala 'yung sitwasyon. Sana in-open ko na dati pa. So less regrets din kapag vocal tayo," ayon pa kay Thea.
Gaganap si Thea bilang si Minnie Manansala, ikalawa sa tatlong magkakapatid na Manansala sa "Las Hermanas."
Panganay si Dorothy, na gagampanan ni Yasmien Kurdi, samantalang ang bunsong si Scarlet ay gagampanan ni Faith da Silva.
"Makikita nila ang iba't ibang personalities and views in life ng magkakapatid," ani Thea.
Ayon pa kay Thea, hamon ang kaniyang role dahil hindi siya palabaan, taliwas sa mga naging role niya noon sa Kapuso Network.
"Si Minnie Manansala, sobrang insecure siya, hindi siya vocal with her emotions. So madalas sinusulat niya na lang or inaatake siya ng anxiety," kuwento sa kaniyang karakter.
Mapapanood ang "Las Hermanas" simula Oktubre sa GMA Afternoon Prime. -- FRJ, GMA News